5.29.2007

March 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
____________________________

Mahal na Araw 2007 Laging memorable at hindi maiwasang maging masaya ang ating Holy Week sa Pilipinas dahil kaugnay nito ang feeling of relief mula sa final exams. Associated din ito sa family reunion, bakasyon, graduation at outing lalo na ng mga kabataan. Ang mga mumunting karanasang ito ng “anticipated resurrection” ang isa sa mga dahilan kung bakit malaking hamon sa creativity at konsiderasyon ng mga pari kung papaano sasabihan ang mga tao na timpiin muna ang mga picnic ng mga magkaka-klase at barkadahan lalo na kung napapatapat ito sa Holy Week.

Bwenas tayo kung ihahambing sa Africa dahil ang ating Pasko ay napapataon sa tag-lamig, at ang ating Holy Week ay sa tag-init. Kaya naman sa ayaw natin at sa gusto ay mainit na pipitik kung Mahal na Araw. Nagkakameron tuloy tayo ng pagkakataon na isabay sa sakripisyo ni Kristo ang nakakapadaing na init. Dahil sa coherence ng weather condition na ito sa panahon ng penitensya, magkameron nawa po kayo ng makahulugang Kwaresma at Mahal na Araw.
Syanga Naman.

“Pagsundo” sa unconditional love Hwag po kayong titigil na mangarap at magdasal na makilala itong unconditional love, lalo na kayong mga kabataan. Bagama’t masarap maranasan ito kahit vicariously sa pamamagitan ng mga awitin at pelikula, hwag kayong makontento sa level na iyon lang. Kaya nga lang, katulad ng water pump sa barrio, kinakailangan munang “kaunin” ang unconditional love na ito sa pamamagitan ng isa o dalawang tabong unconditional love na nanggagaling muna sa atin bago asahang bumuhos palabas para sa atin mula sa kailaliman ng bukal.
Syanga naman.

Golden wrapper In connection po sa “unconditional love” na nakasaad sa itaas, nakatanggap po ako ng isang e-mailed story tungkol dito. Dahil napakaganda po ng kwentong ito, bayaan po ninyong isalin ko ito sa tagalog at lapatan ng sariling comment bilang advanced Easter gift sa inyong lahat:

Nangyari na meron daw isang ina na pinagalitan nang husto ang kanyang anak na babae na may limang taong gulang. Sinayang lang niya kasi ang isang roll na gold wrapper. Napakahirap ng pera nang panahong yaon kaya ganon na lang ang init ng ulo niya sa bata dahil sa ipinambalot lang niya ito sa isang kahon na ginawang dekorasyon sa may paanan ng Christmas tree.
Ganunpaman, kinabukasan, kahit “nasabon” na nang husay si Ineng, nahihiya at buong tamis pa ring iniabot niya sa kanyang ina ang golden box at buong amo na sinabi, “Sa iyo kasi ito, Mommy, eh.” Sa sweetness na ito ng bata, napahiya si Mommy nya sa kanyang inasal nang nakalipas na gabi. Pero sumumpong muli ang kanyang high blood nang makitang wala naman palang laman ang kahon. Bagama’t yamut na yamot, buong tiyaga niyang ipinaliwanag sa anak na hwag na niya uling uulitin ang pagsasayang sa gold wrapper at ang pagreregalo ng kahon na walang laman. Bagama’t nagtitimpi, halata-halata pa rin sa expression ng Mommy nya ang panggigitil at high blood habang nagpapaliwanag.
Bigla na lang napabulanghit ng iyak ang bata at pilit na ipinaliwanag sa bawat hikbi: “Pero Mommy, meron naman po itong laman, kasi eh. Hinipan ko po at pinuno ang kahong ito ng aking mga halik bago ko po ito sinarhan.”
Lubha ang pagkapahiya ng nasabing ina sa kanyang sarili. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Napaluhod ito upang aluin at patahanin ang batang nakadama ng pait ng rejection. Niyakap nya ito nang mahigpit na panay ang pagpapasalamat sa Diyos dahil pinagkalooban siya ng anak na punung-puno pala ng banal na kasimplehan.
(Sinasabi na matapos ng Christmas incident na yaon, iningatan ng ina ang golden box na yaon sa ilalim ng kanyang kama. Pero sa kasamaang palad, di lumipas ang mahabang panahon at binawian ng buhay ang bata bunga ng isang aksidente. Ang mommy naman niya, tuwing dadalawin siya ng lungkot, lalo na kung sinasalakay ng disappointment, ay binubuksan ang golden box at dinarama ang dampi ng imaginary kiss ng kanyang anak).

Salamat po kay Rosalinda Ciriaco na siya yatang kumatha ng kwentong ito. Ang maidadagdag ko pong comment sa magandang kwento ninyong ito ay “Salamat at ipinaala-ala ninyo na bagama’t hindi tayo kasing creative ng bata na nagpahayag ng pagmamahal sa pamamagitan ng golden box, may kanya kanya naman tayong unique expression ng unconditional love. Sa kabilang bahagi naman, wala nang hihigit pang possession sa daigdig na ito kaysa discovery ng katotohanan na ang kadakilaan ay hindi talaga ang pag-aalay ng golden box kundi ang hindi pagsuko hanggang kamatayan, kaisa sa redemptive act ni Jesus, kung sakaling tinatanggihan at pinagtatawanan ang ating alay na golden box.” Syanga naman.


Back to step one: natatanging paraan Habang naghihintay ng palabas, nabasa ko sa unahan ng stage ng sinehan dito sa Roma ang isang quotation: “Kung minsan, walang natatanging paraan para umabante kundi ang bumalik muli sa panimula.” Hindi ko po intensyon na sa pamamagitan ng quotation na ito ay aliwin lang ang mga bigo o palakasin lang ang loob ng mga wala nang ganang mabuhay dahil sa kasalanan niya o dahil sa kasalanan ng iba sa kanya. Si Jesus mismo ang nagsabi na siya ang daan, ang katotohanan at buhay. Siya ang simula at katapusan. Dahil Siya ang Daan at buhay, huwag kayong matakot bumalik sa step one. Syanga naman.

C-o-n-t-i-n-u-i-t-y Nang spiritual director pa si Father Gabby Gonzales sa minor seminary, lagi niyang ipinapaala-ala sa mga bata na ang bakasyon ay hindi nangangahulugan ng pagbabakasyon din sa trabaho, dasal at pag-aaral. Lagi din niya itong ipinapaala-ala sa mga magulang sa parents’ day bago magbakasyon dahil may tendency ang mga magulang na gawing spoiled ang mga anak na seminarista kapag umuuwi sa bahay. May continuity dapat ang formation sa seminaryo at summer vacation sa bahay; katulad ng continuity ng simbahan, bahay at trabaho. May continuity ang pagmamahal sa pamilya at sa bayan. May continuity ang pagluhod sa pag-upo, sa paglalakbay at kahit sa paghiga sa banig ng katandaan at karamdaman. May continuity din ang ideals sa military academy at sa bayan sa harap ng nakaumang na baril o nakaumang na lagay na sobre at “korona” na bigay ng tao. Syanga naman.

Forgotten priority Merong mga cases na handa tayong magpa-tagaktak ng pawis sa jogging at basketball, pero para namang lalagnatin kung sinusugo na maglinis ng bahay o magligpit ng kinanan. Meron namang cases na kung sino pa ang magagaling na maestro-karpintero ang siya pang may mga sirang bintana at nakatiwangwang na pinto na hindi magawa-gawa kahit pa manikluhod ang kaniyang Misis. Ha ha ha ha ha. Happy Easter po at happy summer break po sa inyong lahat diyan! Magtulungan po tayo sa pagpapatawaran at paggagamot sa “spiritual amnesia at inertia” ng bawat isa. Syanga naman.
- Nebursnom -

No comments: