5.29.2007

January 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
___________________________

Ang corruption ay di lang tungkol sa lakas at salapi Tuwing January 1 ang ating ipinagdiriwang ay hindi lang ang Bagong Taon. Kapistahan din ito ni Maria bilang Ina ng Diyos. At dahil si Maria ang Reyna ng Kapayapaan, ginawa rin ni Pope Paul VI ang January 1 bilang natatanging araw para ipagdiwang ang World Day of Peace.
Ang tema ng World Day of Peace ngayong 2007 ay “The Human Person as the Heart of Peace”. Ito ang ipinaabot ni Pope Benedict XVI lalo na sa lahat ng lider ng bawat bansa. Sinabi nya na ang kapayapaan ay nag-uugat sa paggalang sa dignidad ng tao. Wala nga namang saysay at hindi tatagal ang kapayapaan at pag-unlad kung hindi rin lang para sa mga tao. Ang kapayapaan ay isang regalo at isa ring responsibilidad.
Ang corruption ay pagtapak sa dignidad ng tao. Ang corruption ay hindi lang tungkol sa salapi. Ang pagkikilo ng katotohanan para magkamal ng yaman at kapangyarihan o para iligaw ang mananampalataya ay isa ding uri ng corruption.
Ang salitang “corruption” ay maraming kamag-anak. Kaya nga sa harap ng hamon ng iba’t-ibang uri ng corruption lagi nyong tatandaan, “Ang mabuting pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.” Syanga naman.

Year of the Pig Siguro nakapag-google na kayo para malaman kung ano ang hamon sa inyo nitong pumasok na Year of the Pig. Kung ang pagpapaligaya ng baboy sa tao ay sa pamamagitan ng pag-aalay ng sariling buhay, ito po ang hamon sa atin ng 2007. Mapapalad yaong may malinis na puso at tumutulong para maganap ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagtataya ng sarili. Syanga naman.

Lagim ng positional goods Hindi ako magtataka kung sa mga bumabasa nito ngayon, mas-malakas ang tawag ng New Year's “wishes” kaysa mga “resolutions”.
Paano kaya liligaya ang tao kung pati ang luxury ay ginagawa niyang necessity. Sino ang sasaya sa pagiging addicted sa “positional goods”, i.e., kung ang nagbibigay sa kanila ng ligaya ay yaon lang mga bagay, trabaho, edukasyon o bagong home address na hindi nai-enjoy ng iba o ng masa. At siyempre para makamit lang ang mga ito, walang tigil ang kanilang pagkayod... ang kompetisyon, unahan, tulakan at singitan. Sabi nga ng December 2006 issue ng Economist, “Capitalism can make you well off. And it also leaves you free to be as unhappy as you choose...Ito ang lagim ng kaligayahan. Syanga naman.

Ang tagumpay ay maraming magulang. Ang kabiguan ay laging ulila
Kapag ang plano ay nagtagumpay, maraming pumapapel at umaangkin ng karangalan na isa sila sa mga dahilan kung bakit ito nagtagumpay. Kung ang plano naman ay bigo, bihira ang may lakas ng loob na aminin na isa siya sa mga naging dahilan ng pagkabigo. Oo nga naman, makatotohanan ang kasabihang “Ang kabiguan ay laging ulila”... maliban siguro sa mundo ng sports. Kadalasan, ang referee daw ay magulang din ng pagkatalo... ha ha ha ha.” Syanga naman.

“Padugo” ng Gawad-Kalinga Kung gusto ninyong lalong makilala si Jesus, merong karugtong ang pagtiklop ng tuhod at pagsigaw ng Amen na may luha sa mata. Ito ay ang “padugo”: simbolo ng pagdukot sa inyong bulsa para makatulong sa pagpapabahay sa mga mahihirap. Ang tawag dito ng “Couples for Christ” ay “Gawad-Kalinga”.
Nang Disyembre 26, 2006, ginawa mismo ito sa Roma ni Mons. Gerry Bituon nang mag-Christmas party ang mga pinoy ng San Marcello community. Bukod sa party, nag-kontribusyon sila ng 5000 euros para sa project na pabahay para sa mga mahihirap sa Pilipinas. Sampung bahay din iyon. Padugo talaga. Pero mas-malalim ang dulot ng saya ng party na ito. Kasi, ang ligaya ay hindi sa circle lang nila nanatili. Ini-extend nila ang ligaya sa mga may higit na pangangailangan. Bukod rito, naranasan mismo ng mga batang maliliit na andoon ang sample ng charity, ng pagdamay at kawanggawa. Syanga naman.
- nebursnom-

February 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
_________________________________

Latak na naging “flavor of the month”. Matapos ko pong batiin ang mga in-love at mga mag-asawa ng “Happy Valentine”, yamang magsisimula na tayo ng Lenten Season sa 21 Pebrero, halikayo at pag-usapan po natin naman ang isang napakahalagang topic na naging tatak na ni Pope Benedict XVI: “Doing God in the Public Square”.

Alam po nyo, sa pagdami ng nag-aabroad na mga Pinoy, sa paglakas ng globalization at communications media, hindi lang ampiyas kundi bagyo ng cultural at social values ang nakapasok sa ating bayan. Kaya nga ang mga TV game shows at entertainment mula sa Tate at Europa ay ating nokokopya, pati na rin ang mga advantages na kaakibat nito. Syempre, kasama sa hilab ng mga nakokopya ng pinoy ay ang mga lantad at mga nakatagong “lason” na itinuturok sa ating braso, utak at puso ng mga ito. At dahil napapansin ng Simbahan ang laro ng materialismo at individualismo na nagtuturok ng lasong ito, maraming mga pwersa ang nagsasama-sama upang patayin ang ating paniniwala sa Diyos. Minsan ay di na natin pansin na tinuturakan na pala tayo o kaya’y nilalasing upang maging walang pakiramdam, bulag, pipi, bingi at walang pakiramdam. Kaya, sa halip na masala ang latak na lason ng lipunan, ang latak mismo ang nagiging flavor of the month. Syanga naman.

“Doing God in the Public Square” Dahil sa invasion ng “latak” na ito ng secularismo, individualismo at materialismo sa Europa, kamakailan lang ay nag team-up sa Inglatera ang pwersa ng mga lider ng Anglicano at Katoliko para suportahan ang isang public theology think-tank na tinatawag na “Theos” (salitang Griego ng ibig sabihin ay “Diyos”). Ang layunin ng organisasyong ito ay ipangampanya ang pagbabalik ng Diyos o ng “sense of God” sa “public square” o sa lipunan dahil nga merong mga pwersa na sumisira sa ating pananampalataya. Isa sa unang ginawa ng “Theos” ay ang maglathala ng libro na pinamagatang: “Doing God: A Future for Faith in the Public Square,” na sinulat ni Nick Spencer. Pinamagatan niya ito ng ganito dahil na-challenge siya sa comment ni Alistair Campbell, dating Press Officer ni Prime Minister Tony Blair, na nagmamayabang na nagsabi: “We don’t do God.”

By hook or by crook. Bilang “rebuttal” laban kay Mr. Campbell, sinabi ni Nick Spencer sa kanyang libro,
“Kahit ano pa ang gawin ng mga ateista, secularista at materialista para maisakabilang-tabi ang relihiyon, hindi nila ito matatanggal mula sa public arena o sa lipunan, sa ayaw man nila at sa gusto.”

Apat na patunay ng presensya ng Diyos sa public square Para patunayan ni Spencer ang kanyang sinasabi na “lumalawak ang papel ng ng Diyos at ng relihiyon sa ating buhay”, binaybay niya ang apat na trends na nangyayari na sa daigdig:

Una, ang pagpaparamdam ng radical Islam at kahit ng mga Kristyano ng kanilang presensya. Sinabi muna ni Spencer sa kanyang report na ang “bullying” o pangangaya ng major religions sa ibang relihiyon ay hindi talaga nag-uugat sa kanilang pagkatakot sa ibang relihiyon kundi sa kanilang pagkatakot sa pagkakaiba. Kung kaya nga, ang dapat natin talagang gawin, mungkahi ni Spencer, ay pag-aralan ang ating tunay na Christian identity sapagkat ang taong secure sa kanyang relihiyon ay hindi takot na harapin ang pagkakaiba ng ibang relihiyon. Marunong siyang makipag-dialogue. Dahil sa sincere dialogue na ito, kaya niyang himukin ang isang Muslim na maging isang mabuting Muslim without necessarily going to the extent of converting him to Christianity. Hindi niya ikinahihiya o ikinatatakot ipaliwanag ang kanyang paniniwala. At ang kanyang kabanalan ang pinakamatibay niyang argument. Muli, ang mungkahi ni Spencer ay ito: “There should be a shift from bullying to reasoning.” Ganon din naman, ang pagdami ng Muslim population, ang pagbangon ng Islam sa larangan ng politika, at ang muling pagtatanong ng mga Kristyano tungkol sa kanilang sarili at papel dito sa daigdig, lahat ng ito ay tanda lang na bumabalik ang Diyos at relihiyon sa public square, sa ayaw man natin o sa gusto.

Pangalawa, ang birtud ng “civil society”. Ayon kay Nick Spencer, through the centuries ang isang realization ng Inglatera ay ito: “Ang high level performance at tagumpay ng mga institusyon ng kawanggawa at program ng welfare, gaya ng orphanages, home shelter o mga iskwelahan, ay utang natin sa dalisay na panampalataya at pagsaksi sa relihiyon ng kanyang mga volunteers, benefactors at mga empleyado.” Sa madaling salita, “faith and religion inspire and reinforce civic engagement.” Ito ang magic ng buhay ng mga kristyanong naka-ugat sa Diyos. Hindi lang pakpak ng kalayaan ang kanilang naire-regalo sa kapwa kundi pati na rin ang maikabit muli sila sa kanilang ugat, sa Diyos.

Pangatlo, ang paghahanap ng tao sa dalisay na kaligayahan. Nasabi din ni Spencer na hindi porke napakayaman ng isang tao ay masasabi niyang mas-maligaya siya kaysa dukha. Ikinwento pa niya na matapos makapag-formulate ang Inglatera ng kanyang economic policies na nakabatay sa kanyang mga philosophical at sociological analyses, natuklasan nilang limitado pa rin ang kasagutang naibibigay ng mga ito sa tunay na kaligayahang hinahanap talaga ng tao. Sabi nila,“The reasons against ‘doing God’ don’t quite add up.” Matapos ang napakaraming pag-aaral, umuwi sila sa katotohanang: “Ang mga taong naniniwala sa Diyos ay mas-maligaya”. Isa ito sa mga gumaganyak sa atin na pag-usapan muli ang Diyos sa public square

At pang-apat, ay ang “politics of identity”. Nang una kasi, parang nadarama ng Inglatera na ang kaligayahan ng tao ay masasagot lahat ng uri ng ideology (politics of ideology). Subalit dahil hindi masagot ng ideyolohiya ang mga mas-malalim na tanong ng tao tungkol sa kadahilanan ng kanyang buhay dito sa daigdig at sa kabila, sumasandal ngayon siya muli sa politics of identity. Dahil dito, bilang conclusion ni Spencer, tayong lahat ay “religious animals” na may kanya-kanyang religious identities. At dahil nga gustong buwagin ng ilang mga mambabatas ang “sense of God” ng lipunan, pilit nilang iginigiit na ang relihiyon ay “purely private matter” lang o kaya isang bagay na mapanganib at irration. Kaya nga di nakakapagtaka kung napansin nyo, kapag pinag-uusapan ang euthanasia, abortion, cloning, embryonic stem cells, disarmament, homosexual adoption ng mga sanggol, economic at social questions, ayaw nilang marinig ang itinuturo ng Simbahan o ng ibang relihiyon. Iginigiit nilang ang relihiyon ay isang private matter.

Pero nagkakamali sila.
Ang pagsasabi na “ang relihiyon ay isang private matter lang” ay isa lang palabas o cover up para masunod ang kanilang kapritso o ng Partido. O marahil, iyon talaga ang honest nilang pag-aakala, dala nga ng ampiyas na naririnig sa ibang bansa bunga ng globalization. Ang totoo, oras na isakabilang-tabi ng lipunan ang religious vision at energy, magiging dukha at walang buhay ang kanyang pananaw. Isa itong uri ng suicide. Mababawasan din ang potential na maitutulong ng relihiyon sa common good ng mga mamamayan: “It is the public recognition and not the suppression of religious beliefs, motivations, ethos and identities that contributes to social harmony.”
Oras na sabihin ng lipunan na “we don’t do God,” ito ang simula ng kaniyang katapusan. Isa itong collective suicide. At kahit ano pa ang isigaw ng tao laban sa Kanya, kahit pa ipagiba ang mga simbahan, ipatanggal ang mga krus sa mga silid-aralan, o paslangin ang mga Kristiyano, ang kasaysayan na rin ng daigdig ang saksi, na ang Diyos ay hindi matitinag, hindi mabubuwag. Kaya nga, ang contribution ng libro ni Spencer – Doing God: A Future for Faith in the Public Square – ay one step ahead pa sa sinasabi ni Pope Benedict XVI. Samantalang ang Papa ay nagi-encourage sa Europa na bumalik sa kanyang Christian roots, ang report ni Spencer ay further na nagsasabi na “sa ayaw natin at sa gusto, ang Diyos ay andyan na talaga sa public square.” Syanga naman.
- Nebursnom

March 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
____________________________

Mahal na Araw 2007 Laging memorable at hindi maiwasang maging masaya ang ating Holy Week sa Pilipinas dahil kaugnay nito ang feeling of relief mula sa final exams. Associated din ito sa family reunion, bakasyon, graduation at outing lalo na ng mga kabataan. Ang mga mumunting karanasang ito ng “anticipated resurrection” ang isa sa mga dahilan kung bakit malaking hamon sa creativity at konsiderasyon ng mga pari kung papaano sasabihan ang mga tao na timpiin muna ang mga picnic ng mga magkaka-klase at barkadahan lalo na kung napapatapat ito sa Holy Week.

Bwenas tayo kung ihahambing sa Africa dahil ang ating Pasko ay napapataon sa tag-lamig, at ang ating Holy Week ay sa tag-init. Kaya naman sa ayaw natin at sa gusto ay mainit na pipitik kung Mahal na Araw. Nagkakameron tuloy tayo ng pagkakataon na isabay sa sakripisyo ni Kristo ang nakakapadaing na init. Dahil sa coherence ng weather condition na ito sa panahon ng penitensya, magkameron nawa po kayo ng makahulugang Kwaresma at Mahal na Araw.
Syanga Naman.

“Pagsundo” sa unconditional love Hwag po kayong titigil na mangarap at magdasal na makilala itong unconditional love, lalo na kayong mga kabataan. Bagama’t masarap maranasan ito kahit vicariously sa pamamagitan ng mga awitin at pelikula, hwag kayong makontento sa level na iyon lang. Kaya nga lang, katulad ng water pump sa barrio, kinakailangan munang “kaunin” ang unconditional love na ito sa pamamagitan ng isa o dalawang tabong unconditional love na nanggagaling muna sa atin bago asahang bumuhos palabas para sa atin mula sa kailaliman ng bukal.
Syanga naman.

Golden wrapper In connection po sa “unconditional love” na nakasaad sa itaas, nakatanggap po ako ng isang e-mailed story tungkol dito. Dahil napakaganda po ng kwentong ito, bayaan po ninyong isalin ko ito sa tagalog at lapatan ng sariling comment bilang advanced Easter gift sa inyong lahat:

Nangyari na meron daw isang ina na pinagalitan nang husto ang kanyang anak na babae na may limang taong gulang. Sinayang lang niya kasi ang isang roll na gold wrapper. Napakahirap ng pera nang panahong yaon kaya ganon na lang ang init ng ulo niya sa bata dahil sa ipinambalot lang niya ito sa isang kahon na ginawang dekorasyon sa may paanan ng Christmas tree.
Ganunpaman, kinabukasan, kahit “nasabon” na nang husay si Ineng, nahihiya at buong tamis pa ring iniabot niya sa kanyang ina ang golden box at buong amo na sinabi, “Sa iyo kasi ito, Mommy, eh.” Sa sweetness na ito ng bata, napahiya si Mommy nya sa kanyang inasal nang nakalipas na gabi. Pero sumumpong muli ang kanyang high blood nang makitang wala naman palang laman ang kahon. Bagama’t yamut na yamot, buong tiyaga niyang ipinaliwanag sa anak na hwag na niya uling uulitin ang pagsasayang sa gold wrapper at ang pagreregalo ng kahon na walang laman. Bagama’t nagtitimpi, halata-halata pa rin sa expression ng Mommy nya ang panggigitil at high blood habang nagpapaliwanag.
Bigla na lang napabulanghit ng iyak ang bata at pilit na ipinaliwanag sa bawat hikbi: “Pero Mommy, meron naman po itong laman, kasi eh. Hinipan ko po at pinuno ang kahong ito ng aking mga halik bago ko po ito sinarhan.”
Lubha ang pagkapahiya ng nasabing ina sa kanyang sarili. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Napaluhod ito upang aluin at patahanin ang batang nakadama ng pait ng rejection. Niyakap nya ito nang mahigpit na panay ang pagpapasalamat sa Diyos dahil pinagkalooban siya ng anak na punung-puno pala ng banal na kasimplehan.
(Sinasabi na matapos ng Christmas incident na yaon, iningatan ng ina ang golden box na yaon sa ilalim ng kanyang kama. Pero sa kasamaang palad, di lumipas ang mahabang panahon at binawian ng buhay ang bata bunga ng isang aksidente. Ang mommy naman niya, tuwing dadalawin siya ng lungkot, lalo na kung sinasalakay ng disappointment, ay binubuksan ang golden box at dinarama ang dampi ng imaginary kiss ng kanyang anak).

Salamat po kay Rosalinda Ciriaco na siya yatang kumatha ng kwentong ito. Ang maidadagdag ko pong comment sa magandang kwento ninyong ito ay “Salamat at ipinaala-ala ninyo na bagama’t hindi tayo kasing creative ng bata na nagpahayag ng pagmamahal sa pamamagitan ng golden box, may kanya kanya naman tayong unique expression ng unconditional love. Sa kabilang bahagi naman, wala nang hihigit pang possession sa daigdig na ito kaysa discovery ng katotohanan na ang kadakilaan ay hindi talaga ang pag-aalay ng golden box kundi ang hindi pagsuko hanggang kamatayan, kaisa sa redemptive act ni Jesus, kung sakaling tinatanggihan at pinagtatawanan ang ating alay na golden box.” Syanga naman.


Back to step one: natatanging paraan Habang naghihintay ng palabas, nabasa ko sa unahan ng stage ng sinehan dito sa Roma ang isang quotation: “Kung minsan, walang natatanging paraan para umabante kundi ang bumalik muli sa panimula.” Hindi ko po intensyon na sa pamamagitan ng quotation na ito ay aliwin lang ang mga bigo o palakasin lang ang loob ng mga wala nang ganang mabuhay dahil sa kasalanan niya o dahil sa kasalanan ng iba sa kanya. Si Jesus mismo ang nagsabi na siya ang daan, ang katotohanan at buhay. Siya ang simula at katapusan. Dahil Siya ang Daan at buhay, huwag kayong matakot bumalik sa step one. Syanga naman.

C-o-n-t-i-n-u-i-t-y Nang spiritual director pa si Father Gabby Gonzales sa minor seminary, lagi niyang ipinapaala-ala sa mga bata na ang bakasyon ay hindi nangangahulugan ng pagbabakasyon din sa trabaho, dasal at pag-aaral. Lagi din niya itong ipinapaala-ala sa mga magulang sa parents’ day bago magbakasyon dahil may tendency ang mga magulang na gawing spoiled ang mga anak na seminarista kapag umuuwi sa bahay. May continuity dapat ang formation sa seminaryo at summer vacation sa bahay; katulad ng continuity ng simbahan, bahay at trabaho. May continuity ang pagmamahal sa pamilya at sa bayan. May continuity ang pagluhod sa pag-upo, sa paglalakbay at kahit sa paghiga sa banig ng katandaan at karamdaman. May continuity din ang ideals sa military academy at sa bayan sa harap ng nakaumang na baril o nakaumang na lagay na sobre at “korona” na bigay ng tao. Syanga naman.

Forgotten priority Merong mga cases na handa tayong magpa-tagaktak ng pawis sa jogging at basketball, pero para namang lalagnatin kung sinusugo na maglinis ng bahay o magligpit ng kinanan. Meron namang cases na kung sino pa ang magagaling na maestro-karpintero ang siya pang may mga sirang bintana at nakatiwangwang na pinto na hindi magawa-gawa kahit pa manikluhod ang kaniyang Misis. Ha ha ha ha ha. Happy Easter po at happy summer break po sa inyong lahat diyan! Magtulungan po tayo sa pagpapatawaran at paggagamot sa “spiritual amnesia at inertia” ng bawat isa. Syanga naman.
- Nebursnom -

April 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
_______________________________

“Sino ang may pinakamagandang Mommy?”
Daddy:
“Pagsabihan mo nga ang anak mong si Junior. Napapansin ko kasi, ngayong nine years old na siya, unti-unting sumasama ang ugali. Tulad kangina, nakipag-away siya sa kalaro niyang kapitbahay natin. Kaya nga, habang wala ka pa, pinarusahan ko na siya. Hayan, tingnan mo, pinaupo ko sya sa isang silya na nakaharap sa sulok para magtanda.”

Mommy:
“Bayaan mo, Daddy. Makikita niyang anak mo. Makikita nya... Hindi rin kasi pwede sa akin ang lumalaki siya nang paurong.”
Pagkatapos ng limang minutong pakikipag-usap kay Junior, bumalik si Mommy kay Daddy, at ito ang progress report:
Mommy: “Daddy, ayos na. Pinagsabihan ko na si Junior.”

Daddy:
“Bakit ang bilis ng usapan nyo? Ano ito’t palundag-lundag pa yata siya sa saya. Kinunsinte mo ba? Di ba sinabi mo, sasabunin mo siya para magtanda?”

Mommy:
“Kasi, Dad, ehhh…. kasi ... kaya pala nagalit nang husto si Junior at nakapagbuhat ng kamay, eh, nagkainitan sila sa pagtatalo kung sino talaga ang may mas magandang Mommy.”

Lesson of the story:
Kathang-isip lang po ang kwento, adapted from “Dennis the Menace”, pero tunay na nangyayari sa pamilya natin sa iba’t-iba nga lang version. Ang “disiplina” ay paghuhubog ng budhi para maging isang disipulo ni Kristo. Kapag ang “disiplina” ay laging delayed, o laging iginagawa ng exemption dahil kinaaawaan ang bata kung ito ay tuturuang maging honest, masipag, mapagkawanggawa at matatag sa kabanalan, ang mga magulang ang magsisisi sa bandang huli. At ito ang magiging bukambibig ng mga magulang sa kanilang pagsisisi – “Naku po, Diyos ko, saan ako nagkamali? Minahal ko naman sila lahat.
Syanga pala!”
_______________________

Pag-asa ni Juan de la Cru$$$
Galit na galit ang bossing ni Juan dahil natagpuan niya ito na nakatingala sa sandalan ng kanyang silya, nakanganga pa, habang maririnig mula pa sa may pintuan ang sound effect na, “Zzzzzzzzzzz – zzzzzzzzzz- zzzzzzzzzzzz – zzzzzzzzzzzz”. Talo pa ang ingay ng 1970 model na air conditioner.

Bossing:
“Juan, hindi ka kinuha ng kompanya para bayaran ang iyong pagtulog. Ano ka sinuswerte? Kailangang itanim nyo sa inyong isip na dapat kumita ang korporasyon.”
Juan:
“Sorry po, Sir, hinding-hindi na po mauulit, Sir... Sorry po uli.”
At simula noon, hindi na nga naulit ang paghihilik ni Juan nang ganon sa gitna ng trabaho... sapagkat ang maririnig ngayon lagi sa panakaw niyang pagtulog sa opisina, sa halip na “zzzz – zzzz - zzzzz”, ay “$$$$$$$$$$$-$$$$$$$$$$$$$-$$$$$$$$$”.

Lesson of the story:
Masunurin nga naman si Juan. Highly motivated at efficient, dahil kahit sa kanyang nakaw-idlip, ang kanyang bukambibig ay pagkita, $$$$$-$$$$-$$$$. Ha ha ha ha ha. Kaya nga, ngayon pong sasapit na ang election, magwagi nawa ang tunay na statesman. Bakit? Kahit magsikap ang mga college graduates natin, lalo na ang mga simple nating manggagawa at magsasaka, kung walang tunay na statesman na magtatanggol sa kapakanan ng common good (hindi lang ng mahihirap), ang kahihinatnan ng kanilang buhay ay ganito: “Sampung kahig, isang tuka”. Sa halip na ang magwagi ay ang lahat, ang mananalo lang ay ang may control ng hweteng, ng sugalan at ang mga mang-aapi ng kababaihan. Kaya nga, bukod po sa statesmen, nakasalalay din po ang buhay ni Juan de la Cruz sa inyo na educators, sa Simbahan at sa mga pamilya. Mabuhay ang tunay na statesmen!

Syanga pala, hwag po kayong malilito sa salitang “statesman”. Hindi ko po ibig sabihin sabihin na ang tanging solusyon sa R.P. ay ang magpunta kayo sa States para maging “States man”. Ha ha ha ha ha. However, kung nakapag-abroad na kayo lalo na kung sa States, hwag naman ninyong “iiwanan” si Juan de la Cruz. Wala pong iwanan! Maganda nga po ang inyong “awa” at “limos”. Pero hindi po awa talaga ang kanilang kailangan. Kayo po ang kailangan nila; hindi bilang isang referee, spectator o isang coach kundi bilang isang “player”. Papaano? Mas alam po ninyo ang gagawin kaysa akin. Huwag po natin silang pabayaan. Syanga naman.
________________________

“Kilala mo ba ako?”
Kapitbahay:
“Good morning Mom. Alam mo Mom, hindi ka na dapat nagtatrabaho sa inyong bakuran.”
Mrs. ni General: “Sus, bakit naman? Nakakasira ba ng beauty ko? Masama ba ang magwalis ng bakuran? Masama ba ang mag-alaga ng hardin?”
Kapitbahay: ”Hindi naman, Mom. Kasi lang, Mom, Misis ka kasi ng General, eh. Di ba?”
(The next day, nakita muli ni kapitbahay si Misis ng General sa garden. Pero hindi nagtatrabaho kundi maganda na ang pagkakaupo sa isang round table; nagkakape habang nagbabasa ng diyaryo at meron pang sounds. Pero mapapansin na may lalaking naggagahok ng damo sa tabi niya … Aba, si General! Ha ha ha ha ha).

Lesson:
Okey lang yun, di ba? General, nagbubungkal ng hardin habang si Mrs. V.I.P. ay nakakwatro, nagkakape at nagbabasa ng morning papers. Ha ha ha ha. Okey! Pero meron pa po kaming comment: Hindi siguro maganda na ang Misis ni General at ang kanyang mga anak ay feeling at behaving as though na sila din ay General... at kung minsan ay behaving na mas-General pa sila kaysa kay General. Hindi po bale sana kung sa mabuting bagay.
Applicable din po ito sa mga kamag-anak, nakausap, kakilala at body-guard ni Ambassador, Governor, Konsehal, Consul, Colonel, atbp. Ganon din, applicable din po ito sa mga kumpare, anak sa kasal, ka-inuman at kalaro sa baraha nina General, Mayor, Governor, Konsehal, Manager, etc. Sorry po. Peace, po! Happy Easter po sa ating lahat! Syanga naman.
- Nebursnom -

May 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
______________________________

Ang mga "Ginagaling" at ang mga "Gagalingin" Napakarami ng eleksyon ngayong taong 2007, ma-Europa man, Africa o Latin America. Kaso, kakaiba sa maraming bansa, naglaho na halos yata sa atin ang pagboto ayon sa linya ng programa ng partido. Wala nang pagkakaiba ang Nacionalista sa Liberal o Independent. Yung “da bes” para sa mga botante ay ang kandidatong sa akala nila ay ang gagawa ng magaling. Sa iba naman ang “da bes” ay yung politiko na gagawa ng “magaling”, between quotation marks, dahil oras na manalo, ang bumoto ay gagalingin din. Ano po kaya, sa halip na tawaging eleksyon tawagin na lang natin kaya itong popularity contest? Ang presidential election ay tatawaging “Mga Ginagaling – Level 1”; ang provincial election ay “Mga Gagalingin – Level 2”; ang mayorial election ay tatawaging “Mga Gagalingin – Level 3”. Sorry po. Nagpapatawa lang po. Choose wisely and honestly po.
Syanga naman.

Mayflower Festival Sa mga parokya sa RP, kay gandang alalahanin ng buwan ng Mayo. Buwan ito ng pagpapakilala sa atin kay Santa Maria sa pamamagitan ng rosaryo, katekismo, seminars, piyestahan, conferences, outing, liga, tuklungan at mga palaro. Batid ng Diyos kung gaano ang naging bunga ng volunteer works ng mga butihing katekista na nag-organize ng ganitong activities para sa ating pormasyon. Salamat po sa mga pari, elders, social workers, katekista at lay leaders na nangangalaga ng tradisyong ito. Kung alam lang nyo ang nagawa ninyo sa buhay pananampalataya namin, hindi kayo matatalo ng disappointments sa buhay.
Syanga naman.

Apostolado ng puso at ng dila Sinabi ni President Mary McAleese ng Irlanda na simula nang mangyari ang pagkakagulo ng mga tao dahil sa misinterpretation sa speech ni Pope Benedict XVI nang nagsalita siya noong 2006 sa Pamantasan ng Regensburg, natuto muli ang mga tao na konsultahin ang tunay na version ng sinasabi ng Papa. Hindi nga naman dapat maging alipin na lang tayo ng interpretasyon ng mga journalists, reporters at mga miron. Dahil sa importansya ng “going back to the original”, ayon sa survey, yung mga libro na sinulat ng Santo Padre lately ay nag-top ang rating sa mga bookstores. Sana ang Regensburg speech ng Papa ay nagbigay din sa atin ng lesson na hwag lubhang manalig sa bulung-bulungan. Get back to the original source. Kausapin nang diretsahan ang concerned. As a rule, charity ng puso at ng dila ang kailangan.
Syanga naman.

Brain Drain Tungkol sa migration, ang nakakalungkot sa nangyayari sa ating “Bayang api” ay hindi ang brain drain kundi ang brain exodus at brain hemorrhage. Worse, umabot ito hanggang sa maging “brain-for-hire”; at its worst ang naabot nito nang naging “brain-for-sale” ang direksyon ng utak ng pinoy. Pero worse sa lahat ng worst, sa likod ng lahat na ito, ang dapat ipagluksa ay ang naging resulta ng kombinasyon ng lahat na ito na naghatid sa atin ng malimit ko nang sinabi na “death of the Filipino statesman”. Syanga naman.

Northern Ireland Sa wakas, nagkasundo ang dalawang partido nina Gerry Adams (Sinn Fein) at Ian Paisley (Unionists) na “paghatian nila ang bukas”. Sa ika-8 ng Mayo ay talagang implementasyon na ng Good Friday Agreement of 1998 sa porma ng “power sharing ng Unionists sa Sinn Fein” at “pagkilala ng partido ni Adams at ng Irish Republican Army sa pulis force at tribunals”. Alay ng lumang magkaaway ang reconciliation na ito sa lahat ng nasawi. Sinabi nilang hindi dapat maging sagabal sa desisyong ito ang trahedya ng nakalipas.

Pero alam nyo, hindi sana magtatagumpay ang peace process na ito kung hindi pikit-matang nagtiwala si Prime Minister Blair sa pagpapalaya sa mga myembro ng IRA. Dahil sa pagtitiwalang ito, pikit-mata ring isinuko at winasak ng IRA ang kanilang mga armas at pinatunayan ng isang Komisyon na wala na silang lakas para makibaka nang long-term sa mga Protestante ng Northern Ireland.

Dahil sa mga factors na nabanggit, si Ian Paisley, lider ng mga Unionists na binansagang “Dr. No” dahil laging “no” sa pakikipagkasundo sa Sinn Fein at IRA, ay makikita nang nakikipaghalhalan at nakikipag-usap sa mesa ng pagpaplano ng kapayapaan. “Dr. Yes” na rin siya ngayon. Biro nga niya noong golden wedding anniversary nang isang taon, dalawang beses lang siya nagsabi ng “yes” sa tanang buhay niya: nang siya’y ikasal; ang pangalawa ay ngayon lang sa implementasyon ng peace process na ito. Oo nga naman, kung ang katarungan ay lalahukan ng pag-asa at pagtitiwala sa kabutihan ng tao, di malayong sumuloy ang isang himala lalo na kung ito ay magmumula sa kaibuturan ng mga relihiyon. Sa pakikigalak at pagdarasal po natin sa kanilang tagumpay, isama na rin natin ang mga taga-Brazil na dadalawin ni Pope Benedict XVI ngayong Mayo 9-13, 2007.
Syanga naman.
- Nebursnom -

5.28.2007

June 2007

“Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
__________________________

Pasas at Posas Sabi ni Dennis the Menace sa kanyang kalaro : “Mrs. Wilson says her cookies have love baked in ‘em, but all I see are raisins.” Palibhasa ay bata ang nakikita lang nya ay ang pasas, hindi ang “love baked in ‘em”. Ang ilang mga Mister ng mga June Bride na “sumubok magpaswerte” sa pagpili ng buwan ng kasal para maging eternal ang kanilang pagmamahalan ay para ding si Dennis. Worse, ang nakikita na lang nila ngayon ay ni hindi ang “pasas” kundi yun lang posas. Ha ha ha ha. Sorry po. Ang mga dating members ng Church’s youth organizations na nagpaswerte rin sa pamamagitan ng pagpili ng ka Church-youth para manatili silang ideal couple ay parang si Dennis na rin. Ang nangyari, sa halip na mahinog ang kanilang pagmamahalan ay dahan-dahan itong “nalala-youth”. Kaya nga, mga ninong, mga ninang, mga abay, mga kapatid ng mga ikinasal, bilis, saklolohan ninyo at damayan ang inyong mga inihatid sa Altar. Tamang-tama po na buwan ngayon ng June. Syanga naman.


Brain Drain, Part II
Nabanggit ko po itong brain drain kamakailan nang mapag-usapan natin ang irresponsible handling ng migration. Sabi nga po sa joke na ipinasa sa akin kamakailan through e-mail:
Holduper, sa kanyang biktima: “Pili ka, wallet mo o pasasabugin ko ang utak mo?”
Ang biktima naman, sa katarantahan, ay heto ang naisagot:Ikaw na ang bahala, Sir … utak o wallet ... okey lang kahit alin … pareho naman iyang walang laman!”

Uuyyy, napatawa sila. Pero ganito talaga ang kahihinatnan nyo kung sa pagtatrabaho lalo na sa abroad ay pulos pagkita ang laman ng isip nyo. Ubos na ang laman ng wallet, ubos rin ang laman ng utak at puso dahil napabayaan na ang pagbabasa ng ikauunlad ng pananampalataya. Pulos panood na lang kasi ng basketball, Telenobela at El Gran Hermano o Big Brother o pulos tulog dahil sa pagod.

Bueno, heto po ang isa sa mga solusyon para sa mga taong laging busy na di makakita ng serious na oras para makapag-aral: i-search nyo sa google araw-araw ang salitang “Zenit”. Isa itong site ng daily news at discussion ng social, political at moral issues sa Simbahang Katoliko. Easy reading lang po ito at dalawang pahina lang. Basahin po nyo ito dahil “ang pananampalataya kung walang intellectual input ay bubulukin ng kalawang ng emosyonalismo at pamahiin”. Ganon din, natuklasan sa Dialogue among Civilizations o sa inter-religious dialogue, ang isang lumilitaw na problema kung bakit laganap ang fanaticismo at terrorismo ay dahil sa ignorance ng mananampalataya sa tunay na turo ng kaniyang sariling relihiyon. “Peace drain” ang nagyayari sa pamilya ng mga bansa dahil sa “brain drain”. Nagagamit tuloy ng mga mapagsamantala ang kanilang relihiyon sa makapanirang strategy ng politika. Syanga naman.

“Hindi ugali ng pinoy ang magpalimos.” Nakaka-console ang sinabi ni Mr. Meloto na founder ng Gawad Kalinga na dapat i-emphasize natin sa formation ang mga positive points ng pinoy. Nakakatuwa yung strong point na hindi ugali ng pinoy lalo na sa abroad ang magpalimos dahil siya ay masikap. Sabi ko, tama siya. Pero napaisip uli ako... "hindi nga nagpapalimos, nanloloko naman ng kapwa pinoy". Ha ha ha ha ha. Sorry po, alam ko naman po na konti lang naman ang mga nanloloko kung ihahambing sa ibang lahi. Gusto ko lang pong ibig sabihin na dapat tumulong ang mga lider ng lipunan na makagawa ng scenario na ang mga maliliit ay makagulapay man lang o makalakad para hindi sila magsawa o sumuko sa pagsisikap na mabuhay nang malinis. Hindi po ba mas maganda na bukod sa hindi natin ugali ang magpalimos, hindi rin natin vocabularyo ang manloko. Syanga naman.

Asot pusa... grrrrrr...
Bakasyon na naman sa Tate at sa Europa habang ang mga kababayan natin sa RP ay pumapasok sa iskwelahan at bagyuhan. Ngayong bakasyon, pwede na namang mangyari na ang dating “friends” na magkapatid ay magkaka-inisan na naman sa isa’t-isa dahil lagi silang magkasama sa bahay. Sa komiks section “Peanuts” natunghayan ko kung paano pinalantsa ng magkapatid ang kanilang differences:

Bungad ng sister ni Peanuts:
As sister and brother you know what our problem is? We don’t try hard enough to get along… I mean, I try, but you don’t.”
Sagot naman ni Peanuts na trying to be concerned sa kapatid:
“So everything is really my fault?”
Maliksing sumagot kay Peanuts ang kanyang sister:
“Now you’re trying.”

(Tapos ay makikita sa illustration na bigla na lang nabaliktad si Peanuts dahil sa interpretasyong yaon ng kanyang kapatid. Ha ha ha ha!).

Well, at least nag-uusap po silang magkapatid. Mas-magaling ito kaysa maghulaan na lang kung ano ang 'ramdam ng isa; o magtampuhan at magbigayan na lang ng silent treatment. Pero di rin naman maganda na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ang magkakapatid ay parang laging aso’t pusa kung “mag-usap”. Kung walang effort ng tunay na kapatiran, ang lalabas ay hindi away ng aso’t pusa kundi giyera ng laog at bang-aw (baliw na aso). Sorry po. Pangit pong pakinggan, di po ba? Basta tandaan nyo, ang pagmamahal ay hindi napipitas sa puno ng mangga. Kahit ito banal na bagay, ito rin ay pinagsisikapan. Syanga naman.

Trinity Sunday. Napansin ko na para mas madaling maunawaan ang Blessed Trinity magaling na ipaliwanag ito hindi lang bilang doktrina kundi bilang relationships. Dapat ipaliwanag hindi lang kung ano ang Kanyang ginagawa bilang Diyos, kundi kung sino Siya at kung ano ang relevance ng Blessed Trinity sa relasyon ng tao sa bawat isa.

“Ahhh, kaya pala.” Itinuturo ng relevance ng Santissima Trinidad na ang mga Kristiyano ay isang community at dapat maging inclusive (walang iwanan). Itinuturo din ng relevance ng Blessed Trinity na dapat nating yakapin ang “diversity”, i.e., hindi inaasahan na maging “clone” tayo ni Kristo kundi ma-discover natin at maialay ang ating uniqueness sa lipunan. Turo din ng relevance ng Blessed Trinity na kilalanin ng tao ang yaman ng Misteryo ng Kanyang pagka-Diyos. Ayon na rin sa testimony ng mga Santo, sa pamamagitan lang ng “surrender” at kababaang-loob saka natin “mauunawaan” ang mga Misteryong ito ng Diyos, ganon din ang Kanyang ginagawa at ang Kanyang pagka-Diyos. Sa pag-surrender sa Misteryong ito, ating masasabi “Ahhh, kaya pala!”: “Kaya pala sinasabing the happiest ones are the givers” at “Kaya pala iginigiit ni Kristo sa Sermon on the Mount ang mga Beatitudes”. Syanga naman.


"Light lang" po muna tayo ngayon Sa isang flight pauwi, heto ang narinig na usapan:
Stewardess:
“Sir, would you like some dinner?”
Passenger:
“Ano ba ang mga choices?”
Stewardess:
“Yes” or “No” lang po.

Bueno, mga giliw po naming mga taga-subaybay, napansin po nyo na pulos joke po tayo ngayon, for a change. Tag-init na po kasi, eh. Kaya light po lang muna tayo. Tulad ng sagot ng flight attendant no choices po muna kayo sa offer ko sa inyong article. Meanwhile, have a profitable and meaningful vacation po sa inyong lahat! Tungkol po naman sa magagastos nyong energy at laman ng bulsa ngayong summer, ipahintulot po nyo ang isa pong paala-ala: “Hwag pong ubusin lahat sa bakasyon. Magtira po kayo para sa charity.” Ang konkretong "yes" sa pamamagitan din ng kawanggawa at pagdamay ay hindi posas kundi, sabi nga ni Mrs. Wilson, "love of the Lord baked in 'em".
Syanga naman.
- Nebursnom -