5.29.2007

February 2007

Tandaan: “Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
_________________________________

Latak na naging “flavor of the month”. Matapos ko pong batiin ang mga in-love at mga mag-asawa ng “Happy Valentine”, yamang magsisimula na tayo ng Lenten Season sa 21 Pebrero, halikayo at pag-usapan po natin naman ang isang napakahalagang topic na naging tatak na ni Pope Benedict XVI: “Doing God in the Public Square”.

Alam po nyo, sa pagdami ng nag-aabroad na mga Pinoy, sa paglakas ng globalization at communications media, hindi lang ampiyas kundi bagyo ng cultural at social values ang nakapasok sa ating bayan. Kaya nga ang mga TV game shows at entertainment mula sa Tate at Europa ay ating nokokopya, pati na rin ang mga advantages na kaakibat nito. Syempre, kasama sa hilab ng mga nakokopya ng pinoy ay ang mga lantad at mga nakatagong “lason” na itinuturok sa ating braso, utak at puso ng mga ito. At dahil napapansin ng Simbahan ang laro ng materialismo at individualismo na nagtuturok ng lasong ito, maraming mga pwersa ang nagsasama-sama upang patayin ang ating paniniwala sa Diyos. Minsan ay di na natin pansin na tinuturakan na pala tayo o kaya’y nilalasing upang maging walang pakiramdam, bulag, pipi, bingi at walang pakiramdam. Kaya, sa halip na masala ang latak na lason ng lipunan, ang latak mismo ang nagiging flavor of the month. Syanga naman.

“Doing God in the Public Square” Dahil sa invasion ng “latak” na ito ng secularismo, individualismo at materialismo sa Europa, kamakailan lang ay nag team-up sa Inglatera ang pwersa ng mga lider ng Anglicano at Katoliko para suportahan ang isang public theology think-tank na tinatawag na “Theos” (salitang Griego ng ibig sabihin ay “Diyos”). Ang layunin ng organisasyong ito ay ipangampanya ang pagbabalik ng Diyos o ng “sense of God” sa “public square” o sa lipunan dahil nga merong mga pwersa na sumisira sa ating pananampalataya. Isa sa unang ginawa ng “Theos” ay ang maglathala ng libro na pinamagatang: “Doing God: A Future for Faith in the Public Square,” na sinulat ni Nick Spencer. Pinamagatan niya ito ng ganito dahil na-challenge siya sa comment ni Alistair Campbell, dating Press Officer ni Prime Minister Tony Blair, na nagmamayabang na nagsabi: “We don’t do God.”

By hook or by crook. Bilang “rebuttal” laban kay Mr. Campbell, sinabi ni Nick Spencer sa kanyang libro,
“Kahit ano pa ang gawin ng mga ateista, secularista at materialista para maisakabilang-tabi ang relihiyon, hindi nila ito matatanggal mula sa public arena o sa lipunan, sa ayaw man nila at sa gusto.”

Apat na patunay ng presensya ng Diyos sa public square Para patunayan ni Spencer ang kanyang sinasabi na “lumalawak ang papel ng ng Diyos at ng relihiyon sa ating buhay”, binaybay niya ang apat na trends na nangyayari na sa daigdig:

Una, ang pagpaparamdam ng radical Islam at kahit ng mga Kristyano ng kanilang presensya. Sinabi muna ni Spencer sa kanyang report na ang “bullying” o pangangaya ng major religions sa ibang relihiyon ay hindi talaga nag-uugat sa kanilang pagkatakot sa ibang relihiyon kundi sa kanilang pagkatakot sa pagkakaiba. Kung kaya nga, ang dapat natin talagang gawin, mungkahi ni Spencer, ay pag-aralan ang ating tunay na Christian identity sapagkat ang taong secure sa kanyang relihiyon ay hindi takot na harapin ang pagkakaiba ng ibang relihiyon. Marunong siyang makipag-dialogue. Dahil sa sincere dialogue na ito, kaya niyang himukin ang isang Muslim na maging isang mabuting Muslim without necessarily going to the extent of converting him to Christianity. Hindi niya ikinahihiya o ikinatatakot ipaliwanag ang kanyang paniniwala. At ang kanyang kabanalan ang pinakamatibay niyang argument. Muli, ang mungkahi ni Spencer ay ito: “There should be a shift from bullying to reasoning.” Ganon din naman, ang pagdami ng Muslim population, ang pagbangon ng Islam sa larangan ng politika, at ang muling pagtatanong ng mga Kristyano tungkol sa kanilang sarili at papel dito sa daigdig, lahat ng ito ay tanda lang na bumabalik ang Diyos at relihiyon sa public square, sa ayaw man natin o sa gusto.

Pangalawa, ang birtud ng “civil society”. Ayon kay Nick Spencer, through the centuries ang isang realization ng Inglatera ay ito: “Ang high level performance at tagumpay ng mga institusyon ng kawanggawa at program ng welfare, gaya ng orphanages, home shelter o mga iskwelahan, ay utang natin sa dalisay na panampalataya at pagsaksi sa relihiyon ng kanyang mga volunteers, benefactors at mga empleyado.” Sa madaling salita, “faith and religion inspire and reinforce civic engagement.” Ito ang magic ng buhay ng mga kristyanong naka-ugat sa Diyos. Hindi lang pakpak ng kalayaan ang kanilang naire-regalo sa kapwa kundi pati na rin ang maikabit muli sila sa kanilang ugat, sa Diyos.

Pangatlo, ang paghahanap ng tao sa dalisay na kaligayahan. Nasabi din ni Spencer na hindi porke napakayaman ng isang tao ay masasabi niyang mas-maligaya siya kaysa dukha. Ikinwento pa niya na matapos makapag-formulate ang Inglatera ng kanyang economic policies na nakabatay sa kanyang mga philosophical at sociological analyses, natuklasan nilang limitado pa rin ang kasagutang naibibigay ng mga ito sa tunay na kaligayahang hinahanap talaga ng tao. Sabi nila,“The reasons against ‘doing God’ don’t quite add up.” Matapos ang napakaraming pag-aaral, umuwi sila sa katotohanang: “Ang mga taong naniniwala sa Diyos ay mas-maligaya”. Isa ito sa mga gumaganyak sa atin na pag-usapan muli ang Diyos sa public square

At pang-apat, ay ang “politics of identity”. Nang una kasi, parang nadarama ng Inglatera na ang kaligayahan ng tao ay masasagot lahat ng uri ng ideology (politics of ideology). Subalit dahil hindi masagot ng ideyolohiya ang mga mas-malalim na tanong ng tao tungkol sa kadahilanan ng kanyang buhay dito sa daigdig at sa kabila, sumasandal ngayon siya muli sa politics of identity. Dahil dito, bilang conclusion ni Spencer, tayong lahat ay “religious animals” na may kanya-kanyang religious identities. At dahil nga gustong buwagin ng ilang mga mambabatas ang “sense of God” ng lipunan, pilit nilang iginigiit na ang relihiyon ay “purely private matter” lang o kaya isang bagay na mapanganib at irration. Kaya nga di nakakapagtaka kung napansin nyo, kapag pinag-uusapan ang euthanasia, abortion, cloning, embryonic stem cells, disarmament, homosexual adoption ng mga sanggol, economic at social questions, ayaw nilang marinig ang itinuturo ng Simbahan o ng ibang relihiyon. Iginigiit nilang ang relihiyon ay isang private matter.

Pero nagkakamali sila.
Ang pagsasabi na “ang relihiyon ay isang private matter lang” ay isa lang palabas o cover up para masunod ang kanilang kapritso o ng Partido. O marahil, iyon talaga ang honest nilang pag-aakala, dala nga ng ampiyas na naririnig sa ibang bansa bunga ng globalization. Ang totoo, oras na isakabilang-tabi ng lipunan ang religious vision at energy, magiging dukha at walang buhay ang kanyang pananaw. Isa itong uri ng suicide. Mababawasan din ang potential na maitutulong ng relihiyon sa common good ng mga mamamayan: “It is the public recognition and not the suppression of religious beliefs, motivations, ethos and identities that contributes to social harmony.”
Oras na sabihin ng lipunan na “we don’t do God,” ito ang simula ng kaniyang katapusan. Isa itong collective suicide. At kahit ano pa ang isigaw ng tao laban sa Kanya, kahit pa ipagiba ang mga simbahan, ipatanggal ang mga krus sa mga silid-aralan, o paslangin ang mga Kristiyano, ang kasaysayan na rin ng daigdig ang saksi, na ang Diyos ay hindi matitinag, hindi mabubuwag. Kaya nga, ang contribution ng libro ni Spencer – Doing God: A Future for Faith in the Public Square – ay one step ahead pa sa sinasabi ni Pope Benedict XVI. Samantalang ang Papa ay nagi-encourage sa Europa na bumalik sa kanyang Christian roots, ang report ni Spencer ay further na nagsasabi na “sa ayaw natin at sa gusto, ang Diyos ay andyan na talaga sa public square.” Syanga naman.
- Nebursnom

No comments: