6.01.2007

December 06

“Ang mabuting Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”
______________________________

Pasko 2006. Sa pagpapaliwanag kung ano ang Advent, hindi na kailangan para sa ating mga Pinoy ang i-explain kung ano ang ibig sabihin ng “masayang paghihintay o paghahanda”. Expert na po tayo doon. Kaya naman, Oktubre pa lang, naririnig na ang Christmas carols sa radyo at shopping mall. Spontaneously, ito ay nag-iinject na ng kakaibang gana sa ating Lunes at nagpapa-normal sa ating kumukulong high blood. At lalong umiigting ang saya ng paghihintay pagsapit ng Simbang Gabi.

“Durian, Part I”. Unfortunately, may bahid-lungkot tayo sa Kapanahunang ito bunga ng nangyari sa mga pamilya sa Bicol na dinaanan ng bagyong si Durian. Ganon din, parang mahirap ipagsaya ang Kapaskuhan kung sumasapit sa ala-ala natin ang kapalaran ng mga dinaanan ng economic at spiritual na bagyo sa kanilang buhay nitong 2006.

Kaya nga bilang mungkahi, sa halip na gumastos kayo nang hanggang langit para sa mga Christmas parties at exchange gifts, makapag-riserba po sana kayo ng espesyal na regalo para sa kawanggawa. Mas bagay po kung ang charity na ito ay karugtong ng panalangin lalo na ng pagsisisi sa mga kasalanan. Subukan nyo ang magbait kayo at maakay ang iba sa katotohanan. Garantisado na hindi lang kayo ang sasaya. Iyan po ang tunay na Advent; ang tunay na masayang paghahanda - dulot ay kapayapaan. Syanga naman.

“Durian, Part II”. May Part II ang bagyong si “Durian” ngayong Pasko 2006. Ito ay ang desisyon ng mga politiko sa ibang bansa, tulad ng Inglatera, na sa ngalan daw ng "freedom of religion" ay ipinagbawal ang Christmas decor lalo na ang belen. Makaka-offend daw ito sa ibang relihiyon. Kapareho nito ang kaso ng isang worker sa British Airways, ayon sa Zenit: Pinagbawalan ang naturang empleyado na magsuot ng kwintas na may krus.

Pero ang siste nito, ipinagbawal nga ang cross necklace pero okey lang sa management na sa eroplano ay merong nakasuot ng belo at turban. Nagreklamo tuloy ang employee. Matapos ang mahabang debate at paglilinaw sa korte, pinayagan din ang nasabing manggagawa na magsuot ng kanyang cross necklace. Mas-maliit nga lamang daw dapat ang krus. Pero ang malungkot na bahagi nito, habang nagdi-debate ang kompanya sa loob ng maraming linggo kung ano nga dapat ang maging policy, ang worker na may cross necklace ay pinapag-leave muna - pero unpaid leave. Natakot sila siguro na mag-grant ng paid leave dahil baka dumami tuloy ang magsusuot ng cross necklace. Papapagbakasyunin din sila with pay habang nagdi-debate ang kompanya. Ha ha ha ha. Syanga naman.

Ganon pala ang pagpapakabanal! Alam nyo kung ano ang sumagi sa isip ko habang inaayos ko ang kwarto ko? Napagtanto ko na “ang pagpapakabanal pala ay katulad ng paglilinis at pagpapaganda ng sariling kwarto. Kahit walang nakakakitang iba ng kwarto niya kundi siya lang, ang Panginoon, ang housecleaner at ang panaka-nakang bisita, patuloy pa rin ang occupant sa paglilinis ng sariling silid dahil ang pagiging ugaling malinis niya ay hindi pang-displey lang." Iyan ang pagpapakabanal. Syanga naman.

Aral ng Pasko: aktibong paghihintay. Masayang-masaya tayo sa paghihintay ng kapaskuhan. Alam natin na ang paghihintay na ito ay pakiki-isa sa dinanas ng mga Israelita sa pag-aasam sa pagdating ng Tagapagligtas. At kung ang paghihintay na ito ay ginagawa bilang isang personal pilgrimage, isa itong kabanalan. Ang kaso po, sa tunay na buhay, ang paghihintay ay nakakainip, nakakabugnot, nakakasira ng araw, nakakapagpataas ng BP at sugar, magastos, at marami pang iba.

Pare-pareho po tayong "estudyante" sa larangan ng paghihintay. At siguro, kung bibigyan tayo ng grade ng Panginoon, baka mas-mataas pa ang inyong grade kaysa pari. Congratulations po sa mga mataas na ang grade! Hwag lang po nyong kalilimutan na ang paghihintay ay dapat “aktibong paghihintay”. Hindi po nakanganga lang na naghihintay sa pagbagsak ng hinog na bayabas. Hindi rin naman tipo ng paghihintay na may victim-complex na para bang kayo na lang ang pinaka-api sa buong daigdig at pinaka-karapatdapat na pagkalooban ng biyaya. Gusto po nyo ng isang tip tungkol sa kabanalan ng paghihintay? “The secret of being a saint is to be a saint in secret.” Ganon din, ang isa pong uri ng lihim na kabanalan ay ang mag-regalo ng pag-asa ngayong Kapaskuhan. Syanga Naman.
Ginintuang salawikain. Bukod sa kasabihang “No news means good news”, totoo nga pala and sinasabi ng matatanda na “mas nababalita pa ang punong bumabagsak sa kagubatan kaysa gubat na lumalago at nagiging luntian.” Ganon din, mas nababalita ang maliit na pagkakamali ng isang lingkod-bayan kaysa labinglimang taon niyang pagbubuwis ng sariling buhay. Sa kabilang dako, kahit mas napapansin ang kirot ng pigsa o ng ngipin kaysa malusog na bahagi ng buong katawan, hindi ibig sabihin na bulok na ang buong katawan. “Red light” lang sila para mag-ingat sa ating kalusugan. Kung hindi natin mamahalin ang sariling katawan, matututo itong magri-rebelde o mag-coup d’etat sa porma ng isang karamdaman at komplikasyon.

No comments: